Sunday, March 11, 2007

BLOGS: PAGBUBUO NG IDENTIDAD AT KOMUNIDAD

Ang papel na ito ay karugtong ng pag-aaral na isinagawa ko tungkol sa Massively Multiple Online Role Playing Games (MMORPGS) particular na ang Philippine Ragnarok Online (pRO). Sa nabanggit na pag-aaral, sinubok kong suriin kung paano magagamit ang Ragnarok sa pagbuo ng isang nasyon. Lumabas sa aking pag-aaral na walang ibang epektibong simulan ng pagbubuo ng isang nasyon kundi ang indibidwal, ang paghihinang sa kasanayan nito at ang pagpapatibay ng pakikipag-ugnayan nito sa ibang tao. Ang malaking katanungan ko noon ay kung paano malalaman na ang ipinapakitang kagitingan, pagkamalikhain, at pagkamatulungin ng mga manlalaro, ng mga avatars sa mundo ng Midgard ay hindi nagtatapos sa virtual na mundo kundi sumasangay sa “tunay” na mundo. Dito pumasok ang “weblogs” o ang itinuturing na “on-line journals”. Sa wakas, makikilala ko na ang ilang mga mukha sa likod ng mga “avatars”.

Hindi ko ginamit sa nakaraang pag-aaral ang salitang “empowerment”. Ngunit naniniwala ako na dito nag-uugat ang lahat. Ang pagakakaroon ng isang inidibidwal ng konsepto na “empowered” siya ang makapagpapakilos sa kanya o makapagbibigay sa kanya ng motibasyon para maging bahagi sa pagbuo ng kanyang nasyon. Sinabi ni Tim Jordan sa kanyang librong Cyberpower (199) na “Cyberspace is the land of empowerment of individuals, of reinventing identities out of thought.” Hindi ako lubos na sang-ayon sa sinabi ni Tim Jordan. Naniniwala ako sa kakayahan ng internet na i-empower ang isang indibidwal sa pamamagitan ng pagbibigay sa kanya ng isang medium para mailabas ang kanyang mga hinaing, maibahagi sa iba ang kanyang mga nalalaman at pinaniniwalaan, ang makapagpabago. Naniniwala din ako na hindi iisa o buo ang identidad ng isang tao. Maaari lamang pumili siya ng ilang bahagi ng kanyang pagkatao na gusto niyang ipakita sa iba. Ngunit ang pagbuo ng identidad na ito na ipinapakita mo sa “cyberspace” ay hindi nabuo “out of thought.” Produkto ito ng ating “subject positions”. Produkto ito ng maraming taong pagkakahulma o dikdik sa sari-saring institusyonal na aparato ng estado. Ang identidad ding ito ay sang-ayon sa medium na ginagamit (internet, computer), sa lingwahe, at sa kung anong klaseng mga tao ang babasa sa iyo o sa kung anong klaseng tao ang gusto mong bumasa sa iyo. Ang kagandahan ng “blogging” ay ang kakayahan nitong baliktarin ang mga sitwasyon. Maaaring kailanganing makibagay ng isang “blogista” sa medium o program na kanyang pinili para makalikha ng kanyang sariling blog ngunti di tulad ng “chat rooms” kung saan papasok ka sa isang komunidad bilang isang “unknown entity”, sa blogs, magsisimula ka muna sa pagbuo ng iyong sariling identidad bago ka gumawa ng link sa ibang mga blog sites o komunidad para ikaw ay makilala. Masasabi nating mas buo ang identidad ng isang blogista pagpasok niya sa blog communities kaysa mga “chatters”. Bagama’t magbabago pa rin ang pagkakakilanlan sa blogista sa pagdaan ng mga araw sa kanyang on-line journal, na-establish na niya kung anong identidad ang gusto niyang makita ng ibang tao sa kanya. Mas may pagkakataon din ang isang blogista na bumuo ng sarili niyang komunidad. Sa ganitong paraan, bawat “blogista” ay may kakayahang maging tagabuo at parte ng isang binubuong komunidad. Dito nagsisimula ang empowerment.

Naimbento ang Internet ng Pentagon noong 1969 bilang isang proyekto ng US Militar para sa Cold War. Tinawag itong ARPAnet dahil kontrolado ito ng Advanced Research Projects Administration. Ang pangunahing gamit nito ay ang magsilbing daan para sa komunikasyon ng military kung sakaling magkaroon ng nuclear war. (Hebrona in Teng, 1997). Sa kabilang banda, ang blogs as nagsimula lamang sa pagitan ng mga taong 1994 at 1997. Noong 1997, ginamit ni Jorn Barger ang terminong weblog upang tumukoy sa kanyang online journal na “Robot Wisdom” at marami nang sumunod dito. Kalimitan sa mga gumagawa ng blogs noon ay mga “web designers”, “software designers” and “computer scientists” at kinakailangang may kaalaman ka sa hypertext markup language (HTML) at Java. Subalit dahil sa paglabas ng mga blogs-for-the-idiots (gaya ko) gaya ng Blogger, naging madali na para sa kahit sinong may access sa internet at interesadong magbahagi ng kanyang identidad o mga kwento sa ibang tao ang lumikha ng kanyang sariling blog. (Gurak et. Al in WWW) Sa ating bansa, ayon sa Pinoyblog, ang pinakamatandang blog ng Pilipino na alam ng sumulat ng “blog entry” ay nalikha noong huling bahagi ng taong 1999. Hindi pa kumpleto ang ginagawang pagbubuo ng kasaysayan ng blog sa Pilipinas kaya hindi pa sigurado ang dato na ito. Gayunpaman, makikita nating hindi bumilang ng maraming taon bago tayo naabot ng blogs. Sa kasalukuyan, base sa NITLE Blog Census, mahigit dalawang milyon na ang sa tingin nila’y weblogs at mahigit kalahati nito ay nasa salitang Ingles. Ang Pinoyblog noong aking huling bisitahin (March 18, 2005) ay mayroon nang 5,529 entries at 1,173 members gayong wala pang tatlong taon itong nabubuo.

Anu-ano ba ang karakteristiks ng blogs? Karamihan sa mga sinangguni sa internet nagsasabing ang blogs ay binubuo ng mga repleksyon, muni-muni, alaala, kaalaman, sanaysay, litrato, problema sa mundo, haka-haka, iba pang mga likha at higit sa lahat ng mga “links”. Itong mga links na ito ang pinagkaiba ng blogs sa “diaries”. Maaaring links ito sa ibang mga blogs, internet communities, sites na interesante para sa blogista, atbp. Nagsisimula din ang blogs sa pinakabagong entry pababa ngunit hindi hanggang sa pinakaluma sapagkat matatagpuan na ang mga lumang entries sa archives section ng blog. Maaari ding gumawa ng maraming categories o sections ang blogista para sa pag-oorganize ng mga data sa kanyang blog. Maaaring hindi lamang iisa ang blogista ng isang blog, mayroong blog na maraming blogista katulad ng Pinoyblog, Philippine Gaming Community, atbp. Ang pinagkaiba ng blog sa website ay ang pag-a-update sa entries dito. Mayroon ding bahagi ang bawat blogs kung saan pwedeng magbigay ng komento ang mga mambabasa.

Madali lamang gumawa ng blogs dahil sa loob ng labinglimang minuto ay nakagawa na ako ng sarili kong blog kahit iisang entry pa lamang ang nailalagay ko dito at wala pang links. Ang aking blogsite ay http://cloudychugs.blogspot.com/. Kailangan mo lamang sundin ang mga alituntunin ng isang blog portal gaya ng Blogger at ang pangarap mong makapag-publish ng iyong mga likha ay magagawa mo na sa isang iglap.

Sinabi ni Sherry Turkle sa kanyang “Lives on the Screen” na ang pagsusuot ng iba’t ibang identidad sa internet ay pinaka-obvious sa “role-playing” virtual communities o “online games” sapagkat sa mga role-playing games (RPGs) gaya ng Ragnarok, ang manlalaro ay pumipili ng kanyang “avatar” (online character/ personality) na maaaring naiiba sa kanyang pagkatao “physically” ngunit sa katunayan ay sumasalamin din sa kanyang mga saloobin, hangarin, nakaugaliang asal. Kaiba naman ang blogs dito dahil ang identitidad ng avatar ay hindi na lamang “inferred” mula sa karakter ng isang laro kundi “explicitly shared” kahit pa man piling identidad lamang ito o iba sa identidad sa totoong buhay. Sa isang blog, ang mismong blogista na ang nagsasabi na ganito ako, o ganito ako dahil kayo ang nagbabasa sa akin, o ganito ako dahil ito ang gusto kong ipakita sa inyo o dahil basta ganito ako. Ang nagbunsad sa akin na suriin ang mga blogs ay ang libro ni Rolando B. Tolentino “ National/ Transnational: Subject Formation and Media in and on the Philippines.” Sinabi ng aklat na:

“Subject formation is a negotiated and working identity. Hegemonic power remains unevenly porous, thus evenly penetrating and penetrable. Subjectivity remains always in a process of coming into being, never complete… Subjectivity remains enmeshed in both discourses of the national and transnational… By interfacing the national and transnational, the disjunctures are made pronounced, providing instances in which subjectivity both subverts and is dominated by hegemonic power.” (2001)

Bagamat hindi national at transnational ang mga salitang aking gagamitin kundi personal/indibidwal at komunal/komunidad, ang dichotomy na ito ay maaaring matagpuan sa blog/blogista. Sapagkat sa pagbuo ng isang blog, bukod sa kagustuhan ng blogista na marinig o mabasa siya sa kung anong personalidad ang gusto niyang ipakita o ikuwento, sa oras na gumawa siya ng isang blog, ang nasa isip agad niya ay ang kanyang mambabasa. Maaaring magpailalaim ang blogista sa komunidad na gusto niyang kabilangan o kaya’y magsimula siya ng sarili niyang komunidad o baguhin ang komunidad na pinasukan niya o pumasok sa kanya. Hindi kinakailangang gawin niya ito ng magkakahiwalay sapagkat hindi unidirectional ang blogs, sangay sangay ang mga ito. Kaya’t sa pagbuo ng isang blogista ng kanyang identidad sa internet, nabubuo din ang isang komunidad.

Maraming limitasyon ang aking pag-aaral. Una dahil “purposive” ang naging pagpili ko ng mga blogs na pinag-aralan. Ang unang karakteristiks na aking hinanap sa pagpili ay ang pagkahilig ng bawat blogista sa online games, karamihan sa kanila ay naglaro o naglalaro ng Ragnarok o ibang RPGs. Makikita ang hilig na ito sa profile nila, sa links, at maging sa blog entries mismo. Para makapili ng blogista na naglalaro ng RPGs, nag-search lang ako sa Yahoo engine at nang may makuha na akong ilan, tiningnan ko din ang mga links nito para silipin kung “hooked” din sa RPGs ang mga “kaibigan” ng blogista. Binisita ko din ang mga blogs sa Pinoy Blog Awards at nakakuha ng marami sa sample mula dito. Ang Pinoy Blog Awards ay naglalayong kilalanin ang mga blogista at mga blogs ng mga Pinoy na kakikitaan ng pagkamalikhain o kahusayan. Ilan sa mga rekognisyong binibigay ang Philippine Blog Website of the Year, Filipino Blogger of the Year, at Most Informative Blog Site. Ang blog directory nito ay nagli-link sa 99 na blog sites ng babae at 82 blog sites ng lalaki. Nilimita ko ang bilang ng blogs na tatalakayin dito sa sampu, limang babae at limang lalaki, ayon sa sex na idineklara nila sa kanilang mga blogs. Ang huling naging pagbisita ko sa mga napiling blogs ay noong Marso 31, 2005.

Sa pagsuri sa mga blogs ay gumamit ako ng iba’t ibang kategorya gaya ng blog adres, titulo, pangalan/ pagkakakilanlan (handle), porma/disenyo, nilalaman (Expresiv/ Informativ), hayag o di-hayag na layunin/ motibo, at digri ng rebelasyon sa tunay na identidad (makikilala, di-makikilala, kilala, inimbento).


Makikita natin sa dalawang table na halos hindi maaaring paghiwalayin ang expresiv sa informative na kontent o nilalaman. Nagkakaiba lamang sa kung alin ang lumalabas na mas nakakahigit kaysa isa. Kinlasify bilang personal ang mga blogs na karamihan sa entries ay tungkol sa sarili at sa mga pangyayari sa sariling buhay. Expresiv naman kapag tungkol ito sa mga nararamdaman o komento sa iba’t ibang aspeto ng buhay. Informativ naman ang blogs na nagbibigay ng balita o impormasyon na maaaring maging interesante para sa mambabasa o makatulong dito. Kinlasipika ko na rin na informative ang mga advertisements.

Dalawa sa mga blogs ng babae ang kinlasipika bilang Personal/ Expresiv, dalawa din ang Expresiv/Informative, at isang blog ang kinlasipikang Personal, Expresiv, at Informativ. Sa mga blogs naman ng lalaki, dalawa ang kinlasipikang Expresiv/ Informativ, dalawa ang Informativ/ Expresiv at isang Informativ. Nauuna sa banghay ang mas matimbang. Base ang mga ito sa mga pinakabagong entries ng blogs at sa mga links nito. Gayunpaman, bagamat mayroong mga kinlasipika bilang expresiv lamang o informative lamang, kung iku-konsidera natin na ang mga links sa ibang bloggers bilang maaaring pagmulan ng karagdagang impormasyon o ibang expresyon ng sarili/ identidad at mga paniniwala, hindi natin maaaring sabihin na natatapos sa pagiging informative o expresiv ang isang blog. Sa kadahilanan ngang kaiba ang medium na ito sa balita, chat room, o maging sa RPGs. Ang identidad ng isang tao ang nakataya dito, bagamat maaaring identidad na kaiba sa identidad sa tunay na mundo. Kung sino mang babasa sa blog mo ay maaaring mag-iwan ng komento; nagustuhan ba niya ang iyong sinabi? Mayroon ba siyang karagdagang sasabihin? Nire-recognize ba niya ang credibilidad mo o ang mga pananaw mo? Bawat salitang tinatayp natin sa ating keyboard at pino-post natin sa ating blog ay nagbibigay ng impormasyon sa mga “surfers” at “bloggers” sa kung sino ba tayo o kung ano ba ang ating nalalaman. Maaring hindi intensyon ng isang blogista ang mag-lecture o magbahagi ng kaalaman o mga katotohanan. Ngunit hindi niya maaaring pigilin ang Google, Yahoo o Yehey Search na palitawin ang kanyang blog sa mga saliksik kung saan nakapagbitiw siya ng isang pahayag na konektado dito. Samakatuwid, anuman ang iyong isinulat ay maaaring maging mahalagang impormasyon para sa iba. Hindi rin naman pwedeng maging pulos informative ang isang blog dahil lumalabas pa rin dito ang sariling estilo at pananaw. Maaaring makipag-interact online din ang blogista sa kanyang mga mambabasa sa pamamagitan ng pagsagot o pag-react sa mga komento nito. Hindi maiiwasan na dito ay lumabas ang mga personal na pananaw o pahayag. Hindi ko pa nadalaw ang blog ni George W. Bush kaya gagawin ko na lamang halimbawa si Gabby Dizon na siyang tinitingala ng mga Pinoy game developers dahil sa pagkakabuo nito ng pinakaunang Pinoy RPG na Anito: defend a Land Enraged. Kung noon ay kilala lamang natin siya sa pamamagitan ng interviews niya at sa mga manaka-nakang guesting sa mga Computer Digital shows, ngayon mas nakita na natin ang porma ng kanyang mukha. Nabasa natin kung ano ang mga nasa isip niya na gusto niyang ibahagi sa atin. Sa mga blogs, nagkakaroon ng mas buo bagama’t patuloy pa ring binubuong personalidad ang mga tanyag na tao. Sa pamamagitan din ng blogs, hindi mo kinakailangang maging isang Conrado De Quiros upang mabasa, o maging isang Gloria Macapagal- Arroyo upang marinig sa buong mundo. Hindi mo rin kinakailangang lumabas ng iyong bahay o mangibangbayan para maibahagi ang iyong mga pananaw, upang makilala ka sa kung sino ka o sa kung anong klaseng pagkatao ang gustong mong makilala. Sa pagkakaroon lamang ng access sa computer at internet, maaaring mong buuin ang iyong virtual na pagkatao at maging tagabuo ng isang komunidad.

Makikita rin sa mga ligwaheng ginamit sa pagsulat sa blog kung paano isinaalang-alang ng isang blogista ang kanyang mga mambabasa. Tatlo sa mga blogs ng babae ang nasusulat sa Ingles at dalawa naman ang sa magkahalong Filipino at Ingles. Sa mga lalaking blogista naman, apat ang nagsusulat sa Ingles at iisa ang sa magkahalong Filipino at Ingles. Marahil mas marami sa mga lalaking blogista ang nagsusulat sa Ingles dahil marami sa kanila ay teknikal na mga terminolohiya ang pinag-uusapan. Katulad ng sa blog ni Gabby Dizon na nasusulat sa Ingles kung saan bumibisita ang maraming game developers dahil sa mga impormasyong nakukuha dito bukod sa pagiging kilala niya. Maaari din naming pinili ng mga itong magsulat sa wikang Ingles dahil mas gamay nila ang lingwaheng ito. Sa kaso naman ni Ferdinand De Cena, makikita sa istilo ng pagsusulat niya kung paanong piling-pili ang mga salitang ginagamit at siya mismo ay umamin sa self-censorship na ginagawa niya sa kadahilanang ayaw niyang ikompromiso ang ilang mga taong kilala niya. Maging ang istilo ni Mayan ng Lady Lazarus Blog ay makikitang nakasulat sa “written English” at hindi “conversational.” Dahil personal kong kilala si Mayan, alam ko na writer siya at lumalabas ito sa kanyang blog. Sa kanyang estilo ay maaari mong sabihin na isa siyang “proficient/professional writer”. Maaari nating sabihin na ito ang limitasyon ng blog, na hindi tulad ng diary na ang inibidwal na manunulat lamang ang babasa at hindi kailangang sumunod sa ilang kumbensyon. Subalit ang limitasyong ito, ang dayalektik na ito sa pagitan ng personal at komunal ay hindi hadlang para lumago ang isang blogista sa kanyang “subject position.” Sapagkat sa blogs posible ang “reversal of roles”. Maaari kang makibagay at maaari karing pakibagayan.

Malaki ang potensyal ng blogs at nakita na ang potensyal na ito ng marami. Ang potensyal na impluwensiyahan ang ibang tao para baguhin ang kanilang pamamalakad, ang potensyal na makapagbigay ng magandang trabaho, ang potensyal na makapagpabagao. Bukod sa mga blogs na binanggit ko sa pag-aaral na ito, marami rin akong binisita. Ang iba ay entertaining lamang, ang iba naman informative talaga at enlightening pa. Katulad ng blog entry ni Migs Paraz sa kanyang blog na Migs Paraz: Random Takes kung saan nag-interview sila ng isang parking attendant para sa kanilang school project. Sa pagtatapos ng interview ay naantig ang kanilang mga puso dahil sa kwento ng buhay ni Mang “Jun”. Walang pagdadalawang isip na inabutan nila ito ng pera na umabot sa mahigit anim na daan. Tuwang tuwa si Mang Jun at sinabing ibibigay niya ito sa kanyang asawa para makapagsimula ng isang maliit na negosyo ng banana cue. Pagkatapos ng interview ay nagkaroon ng maraming katanungan ang tatlo sa kung dapat ba ay pinahiram na lamang nila ang pera para siguradong iingatan ito at susubukang palaguin. Nang huli ay nakapag-isip sila ng ischema kung paano matutulungan si Mang Jun na umanagat sa kanyang buhay. Maganda ang ischemang kanilang naisip subali’t hindi nila nakonsider ang mga buwayang mahilig mangikil sa mga tindera.

Hindi malaki ang pinagkaiba ng virtual na mundo sa tunay na mundo sapagkat gaya ng aking sinabi sa nauna kong pag-aaral, ang virtual na mundo ay tunay na mundo sa pagkat parte ito ng mundong ginagalawan natin. Ang mga gahum na matatagpuan sa mundo sa labas ng internet ay matatagpuan rin dito. Mayroon ding computer elites, mayroon ding middle class, at mayroon ding pulubi. Matatawag na pulubi iyong nakikiamot lamang ng impormasyon at hindi nakikita ang potensyal ng internet na makapagpa-aksyon. Middle class naman yaong mulat sa potensyal ng internet ngunit kuntento na sa komportableng estadong kinalalagyan nito. Elites naman yaong may malalawak na kaalaman sa computer programming at mayroong kasangkapan upang kontrolin ang pagdaloy ng impormasyon. Mayroon din naming umuusbong na revolutionary class. Ito yaong mga ‘avatars’ na bumubuo ng sarili nilang identidad at tumutulong para bumuo ng isang malakas na komunidad kung saan hindi lamang ang boses ng iisang tao ang naghahari. Kung san maaaring magpailalim o makibagay ang isang lider sa kanyang mga kakomunidad.

Maraming mga negatibong nasabi na tungkol sa mga taong mahilig maglaro ng RPGs. Ang paglalaro daw nila ay ginagamit nila upang tumakas at hindi makisangkot sa mga pulitikal na usapin ng kanilang bayan. Nakukuntento na lamang daw ang mga ito na pumatay sa mga monsters na kalaban niya sa virtual na mundo. Atin nang tiningan ang ilang mga blogs ng mga sinasabi nating “apathetic youth”. Makikita natin na nangingibabaw pa rin dito ang panggitnang uri, ang sarili bago ang iba. Gayunpaman, mayroon ding mga ilang gusto ring magdulot ng pagbabago bagama’t hindi ito nagsisimula sa pulitikal na aspeto kundi teknolohikal. Ang pagiging available ng sari-saring kaalaman sa teknolohiya, ang patuloy na pagbabahaginan ng kaalamang ito ang inaasahang magdudulot ng pagbabago sa ating bansa. Bagama’t ang pag-angat pa rin sa sarili ang binibigyan ng prioridad ng marami sa blogista, ang pagkakaroon ng links sa bawat blogs ay daan upang mabuksan ang pinto patungo sa ibang uri ng mga “avatars” o “komunidad” na sa huli’y maaaring makapagdulot ng pagkamulat at pag-aksyon.. Ang mahalaga, sa blogs matatagpuan ang isang indibidwal na bumubuo ng kanyang sariling identidad sa gitna ng mga limitasyon ng medium na kanyang kinapapalooban, kasabay ng pagbubuo niya ng isang komunidad kung saan hindi lamang siya ang reyna o hari o ang makapangyarihan.


References:

Jordan, Tim. Cyber Power: The Culture and Politics of Cyberspace and the Internet. New
York: Routledge, 1999.

Teng, Lester M. & Pekka Vainio. “The Image of Filipino Women as promoted by
Filipino and non-Filipino sites in the Internet.” Th. DLSU Manila, 1997.

Tolentino, Rolando B. National/ Transnational. Subject Formation and Media in and on
the Philippines. Manila: Ateneo Univ P, 2001.

Turkle, Sherry. “Whither Psychoanalysis in a Computer Culture?”
http://www/kurzweilai.net/meme/frame.html?main=/articles/art0529.html. March
31, 2005.

Websites

Aya. Gabriela’s Crib. http;//livejournal.com/users/gabriela’scrib/

Edwin Soriano. Technobiography. http://technobiography.blogspot.com/

Fallenstar “Perfectly Flawed”.http://fallenstar.so-phobic.com/wordpress/

Ferdinand De Cena. Ironwulf. http://ironwulf.net/about/

Gabby Dizon. Fuel Factor: 3rd World Game Developer. http://www.fuelfactor.net/3wgd/

Gurak, Laura, et al. Into the Blogosphere: Rhetoric, Community and Culture of
Weblogs.”Introduction” http://blog.lib.umn.edu/blogosphere. March 17, 2005

JPF maligalig. JPFM: Writers log. http://www.jpfmwritersblog.blogspot.com/

It’s a Happy Orange Day. http://www.tabulas.com/~chocoby

Mayan. Blogisa: The Diary of a blue stocking. http://ladylazarus.blogdrive.com

Nald’s Blog. http://www.xanga .com/home.aspx?user=rsuello

NITLE Blog Census. http://www.onfocus.com/2003/07/3243. March 30, 2005

Nomad Programming.http://developer.nomadph.com/

Philippine Blogawards. http://www.philippine blogawards.com. March 17, 2005

Pinoyblog.Com: The Philippines According to Blogs. www.pinoyblog.com. March 17, 2005

Yaonne. I will Bloom like a Flower. http://www.tabulas.com/~yaone

Xiu Xie. Game Master. http://www.laibcoms.com/Laibeus/GameMaster

No comments: